Isinapormal na ni Russian President Vladimir Putin ang annexation ng apat na Ukrainian regions ngayong araw, October 5 sa kabila ng patuloy na pakikibaka ng Russian forces sa pagpigil sa opensiba ng Ukrainian forces sa nasabing mga teritoryo.
Ayon sa mababang kapulungan ng parliament, pormal na nilagdaan ni Putin ang apat na federal constitutional laws sa pagpasok sa Russian Federation ng Donetsk People’s Republic (DPR), Luhansk People’s Republic (LNR), Kherson region at Zaporizhzhia region.
Ito ay katumbas ng 18% ng teritoryo ng Ukraine.
Ang paglagda ni Putin ang huling yugto sa legislative process kung saan una ng niratipikahan ang naturang plano ng dalawang kapulungan ng Russian parliament.
Pinirmahan na rin ni Putin ang decrees para sa pormal na pagtatalaga sa kasalukuyang mga lider ng apat na rehiyon na sinusuportahan ng Moscow bilang acting leaders.
Maalala, idineklara ng Russia ang annexation matapos na magsagawa ng tinawag na referendums sa okupadong mga lugar sa Ukraine.
Subalit sa panig ng Kyiv at Western allies nito na ang naturang referendums ay paglabag sa international law at hindi nila ito kikilalanin.
Nangako naman ang Ukraine na babawiin ng kanilang mga sundalo ang anumang teritoryo na inokupa ng Russian forces.