-- Advertisements --

Tinanggal ni Russian President Vladimir Putin ang isa sa kaniyang pinagkakatiwalaang lieutenant na si Defense Minister Sergei Shoigu na isang malaking reorganisasyong gumimbal sa liderato ng Russian military sa mahigit 2 taong opensiba nito laban sa Ukraine.

Inirekomenda ni Putin na kapalit ni Shoigu ang ekonomistang si Andrey Belousov base sa listahan ng ministerial nominations na inilathala ng Upper house of parliament ng Russia.

Ang naturang hakbang ng Russian President sa kaniyang ikatlong termino ay sa gitna ng pag-abanse ng mga tropa ng Russia sa eastern Ukraine at inilunsad kamakailan lamang na panibagong malawakang ground operation laban sa northeastern Kharkiv region.

Ipinaliwanag naman ng Kremlin ang timing ng desisyon na palitan si Shoigu. Ayon kay Kremlin spokesman Dmitry Peskov, kailangan daw na manatiling innovative ang defense ministry, para sa introduction ng lahat ng advanced ideas at para sa pagbuo ng mga kondisyon para sa economic competitiveness.

Naipapanalo aniya ang digmaan ng sinuman na mas bukas sa inobasyon o pagbabago dahilan kaya’t marahil ay pinili umano ni Pres. Putin si Andrey Belousov. Kahit wala aniya itong military background, isa ito sa pinaka-maimpluwensiyang economic advisers niya sa nakalipas na dekada.

Matatandaan na itinalaga ni Putin ang 68 anyos na si Shoigu noong 2012 at may ilang dekada ng political career na hindi matatawarang mahabang buhay sa post-Soviet Russia.

Matatandaan din na naging target si Shoigu ng naudlot na rebelyon ng mercenary group na Wagner sa pangunguna ni Yevgeny Prigozhin na nanawagan sa pagbibitiw ng dating Defense Minister dahil sa naging papel nito sa umano’y pag-atake at pagpatay sa daan-daan nilang kasamahan.

Samantala, noong Linggo nag-isyu ng magkakasunod na decree si Putin kung saan pinangalanan niya si Shoigu bilang bagong kalihim ng Security Council kapalit ng kaniyang matagal ng kaalyado na si Nikolai Patrushev.