Binigyang-diin ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro ang “empty chair” o bakanteng upuan bilang simbolo ng hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment proceedings, habang umuusad na ito lampas sa committee level.
Sa huling pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni Luistro na sa kabila ng mga ebidensya at diskusyon, nanatiling walang direktang sagot o paliwanag mula sa Bise Presidente.
Ayon sa kanya, matagal na umanong hinintay ng komite ang personal na pagharap ni Duterte sa ilalim ng panunumpa, ngunit wala itong naging tugon.
Dagdag pa ng mambabatas, umabot na ang komite sa puntong sapat na ang mga ebidensya upang ituloy ang proseso, kaya’t hindi na kailangan pang palawigin ang pagdinig.
Matatandaang noong Abril 29, idineklara ng komite ang pagkakaroon ng probable cause, na naging batayan upang ihanda ang impeachment articles para sa plenaryong pagtalakay.(Report by Bombo Jai)
















