Bumisita si Putin sa China, makikipagkita kay Xi bilang pagpapakita ng walang limitasyong partnership
Dumating na si Russian President Vladimir Putin sa Beijing upang makipagpulong sa kanyang Chinese counterpart na si Xi Jinping.
Ito ay bahagi ng layunin ng dalawang matataas na opisyal na palalimin pa ang tiwala sa isa’t isa na nagpapakita rin ng “no-limits” partnership sa pagitan ng China at Russia.
Si Putin at ang kanyang entourage ay lumipad sa Beijing Capital International Airport.
Ito ay isa sa mga paglalakbay ng Russian president sa ibang bansa mula nang maglabas ng warrant of arrest ang Interntional Criminal Court noong Marso 2023.
Kaugnay pa rin ito sa mga akusasyon laban sa kaniya hinggil sa iligal na pagpapatapon ng mga bata mula sa Ukraine.
Kung maaalala, huling nagkita sina Xi at Putin sa Moscow ilang araw lamang matapos mailabas ang naturang warrant.
Tinanggihan ng Beijing ang pagpuna sa Western criticism sa pakikipagtulungan nito sa Moscow sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.
Iginiit nito na ang kanilang mga relasyon ay hindi lumalabag sa mga international norms, at ang China ay may karapatang makipagtulungan sa alinmang bansa na pipiliin nito.
Matatandaan na huling binisita ni Putin ang China para sa Beijing Winter Olympics noong Pebrero 2022 nang ideklara ng Russia at China ang isang “no-limits” partnership ilang araw bago nagpadala ang pangulo ng Russia ng libu-libong tropa sa Ukraine.