Inatasan ng pamunuan ng Department of National Defense (DND) ang AFP na tiyakin ang pagpapairal ng “rule of law” at pagtataguyod ng karapatang pantao sa pagpapatupad ng martial law ng Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Sa nilagdaang memorandum ni DND Usec for civil, veterans and retirees affairs, Eduardo Del Rosario, pinaalalahan nito ang militar na sa ilalim ng batas militar ay hindi suspendido ang konstitusyon at ang operasyon ng mga judicial at legislative assemblies.

Sinabi ni Del Rosario na ang mga civilian courts pa rin ang may pangunahing hurisdiksyon sa mga kaso laban sa mga sibilyan at hindi ang mga military courts, at hindi rin aniya suspendido ang writ of habeas corpus.

Sa ilalim ng batas militar ang AFP ay magkakaroon ng police powers na mag-aresto ng mga suspek sa krimen.

Para matiyak na ang karapatan ng mga suspek ay hindi malalabag sa ilalim ng batas militar, nakasaad sa memorandum na ang pag-arresto at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek ay dapat pa rin sumunod sa mga itinakdang alituntunin ng mga civilian courts.

Idineklara ng Pangulong Duterte ang martial law sa buong mindanao upang masupil ang lawless violence sa lugar kasunod ng kaganapan sa Marawi City.