Nasa speaking terms na muli si Ruffa Gutierrez sa Turkish businessman at kanyang dating asawa na Yilmaz Bektas.

Ayon sa 46-year-old beauty queen turned actress, mismong si Yilmaz ang naka-realize na tumatanda na ito kaya nais itama ang sitwasyon para sa kanilang dalawang anak na ngayon ay edad 16 at 17 na.

-- Advertisement --

“Let’s try to be co-parents to our children first, you know. Kasi, hanggang ngayon, ako daw ang pinaka-greatest love niya. And sabi ko: Teka muna, step by step muna. Let’s see first. Itupad mo muna ‘yung sinasabi mo, pupunta ka dito para bisitahin ‘yung mga anak mo. Saka tayo mag-usap,” saad nito sa virtual mediacon.

Pero kahit magandang ideya aniya ang pagbukas muli ng kanilang komunikasyon, ay hindi dapat magmadali upang hindi rin mabigla ang kanilang mga anak.

Pag-amin pa ng panganay at only daughter nina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama, iniiyakan pa rin naman niya ang estranged husband lalo’t ito ang kanyang greatest love, ngunit natuto na rin siya na unahin munang mahalin ang sarili.

“In seven to nine years na magkasama kami- nagpakasal kami, nagkaroon kami ng dalawang anak, lumipat ako ng ibang bansa, iniwan ko yung career ko, iniwan ko yung pamilya ko, naghiwalay kami. Ang daming ganap in those years. And siya ‘yung klaseng pain na gusto mo nang kalimutan at ibaon sa lupa. Na ayaw mo nang maramdaman yung klaseng pain na ‘yon. Kasi, iniwan ko siya na mahal na mahal ko pa rin siya. Pero mas mahal ko yung sarili ko. Yun ang nangyari sa amin, e. Hindi naman dahil nag-fall out of love ako sa kanya,” dagdag nito.

Taong 2003 nang ikinasal sina Ruffa at Yilmaz sa isang mala-fairytale wedding ceremony, na nasundan pa ng Muslim rites sa Turkey, pero nauwi sa hiwalayan pagsapit ng 2007.

Kung maaalala ngayong “love month,” nilinaw ng Miss World 1993 second runner-up na happily single siya sa loob ng dalawang taon ngunit umaasa na balang araw ay magkukrus din ang landas nila ng tamang lalaki na inilaan ng Diyos para maging kanyang “forever.”

Sa showbiz naman, kabilang sa mga naging karelasyon niya ay sina Zoren Legaspi, Aga Muhlach, at John Lloyd Cruz.