Ipinasasagot ni House Committee on Labor and Employment chairman Enrico Pineda sa pamahalaan ang pagbabayad sa RT-PCR test ng mga manggagawang babalik na sa trabaho pero hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Sinabi ito ni Pineda matapos na kinukonsidera ng pamahalaan na gawing requisite sa pagbabalik sa trabaho ng mga unvaccinated workers ang pagsasailalim sa RT-PCR test sa loob ng dalawang linggo kada buwan sa ilalim ng ‘No Vaccine, No work” policy ng IATF.
Baka maubos lamang aniya ang sinasahod ng mga manggagawa sa pagpapa-test kontra COVID-19, na sa ngayon ay inaabot pa ng hanggang P2,500 kada test.
Kung talagang nais ituloy ng pamahalaan ang balakin na ito, ang nakikitang “viable” option ni Pineda ay ang Antigen testing, na “very effective” at mas mura dahil nagkakahalaga lamang ito ng P250 kada test.
Ipinunto pa niya kadalasan ay inaabot ng hanggang tatlong araw bago pa man lumabas ang resulta ng RT-PCR test, habang 20 minuto lang naman sa Antigen test.
Giit ni Pineda, Antigen test din naman ang ginagawa sa kanilang mga kongresista sa tuwing papasok sa Batasang Pambansa, at wala naman aniya silang nakikitang problema hinggil dito.
Sa ngayon, nagpadala na ng liham ang komite ni Pineda sa IATF para kaagad na suspendihin ang “No Vaccine, No Work” policy nito.