-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na makukumbinsi pa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na manatili sa kaniyang kasalukuyang posisyon bilang contact tracing czar ng bansa laban sa coronavirus disease.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nanggaling daw mismo kay Magalong na hindi “irrevocable” ang kaniyang isinubmit na resignation.

Wala raw kasing nakasulat doon na irrevocable ito kaya subject to acceptance pa ang naturang resignation letter at hindi raw ito tinanggap ng National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Kumpyansa ang kalihim na mahihimasmasan din ang alkalde dahil kailangan lamang ng sapat na panahon nito upang muling makumbinsi si Magalong na manatiling contact tracing czar ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Roque, walang mahahanap ang gobyerno na kapalit ni Magalong dahil siya raw talaga ang naging author ng contact tracing formula na ginagagamit ngayon upang mahanap ang mga naging close-contacts ng mga COVID-19 positive patients.

Umaasa raw si Roque na sa mga darating na araw ay makakapagdesisyon din si Magalong kung itutuloy nito ang kaniyang resignation.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ni Roque na siguradong-sigurado raw si Pangulong Rodrigo Duterte na manatili si Magalong bilang contact tracing czar.