Hinimok ni House Majority Leader Martin Romualdez ang mga kapwa niya mambabatas na magkaisa at magtulungan sa pagpasa ng mga panukalang batas na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huling State of the Nation Address (SONA) nito kagabi.
Kagabi umapela si Pangulong Duterte sa Kongreso na aprubahan ang ilan sa mga panukalang batas na nakikita niyang makakatulong sa pagbangon ng bansa mula sa kalbaryong hatid ng COVID-19 pandemic.
Kahit papalapit na ang halalan, sinabi ni Romualdez na hindi ito panahon para magkawatak-watak dahil sa politika sapagkat kailangan pa ring magkaisa ng lahat upang sa gayon ay maraming buhay ang masagip mula sa COVID-19 at para muling buhayin naman ang ekonomiya ng bansa.
Samantala, nakukulangan naman sina Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat sa SONA ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Brosas, parang lasing lang si Duterte sa naging talumpati nito, na naglalaman ng kapareho pa ring pagbabanta, anti-communist rhetoric, at misgynist na mga salita.
Wala nga aniyang malinaw na binanggit ang Pangulo sa kung paano makakaalpas ang Pilipinas sa pandema.
Mas marami pa rin aniya ang sinabi nito tungkol sa iligal na droga, komunismo at imprastraktura.
Insulto rin aniya sa mga health workers ang tribute ng Pangulo sapagkat hanggang sa ngayon ay underpaid at overworked pa rin ang karamihan sa mga frontliners.
Iginiit naman ni Cullamat na kabaliktaran ng litanya ng Pangulo ang nararanasan ng mga Pilipino sa ngayon.
Hindi aniya totoo na kumportable ang buhay ng publiko sa ilalim ng Duterte administration.
Hindi nga aniya nasosolusyunan hanggang sa ngayon ang ilan sa mahahalagang issue sa lipunan tulad nang kawalan ng trabaho ng ilang milyong Pilipino dahil sa COVID-19 pandemic.