Kinuwestiyon ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez ang pagiging patas ng Office of the Ombudsman sa isinasagawang imbestigasyon laban sa kanya, dahil umano sa paggamit ng mga testigong dati nang kinuwestiyon ang kredibilidad.
Giit ni Romualdez ang tanging hinihingi niya ay pantay na pagtrato sa ilalim ng batas. Aniya, umaasa umano ang Ombudsman sa mga testigong dati nang itinuring na hindi kapani-paniwala ng tanggapan at ng Department of Justice (DOJ).
Bagama’t walang binigay na pangalan ang kongresista, tinukoy ni Romualdez ang mga testigo na may kasong cyberlibel at perjury.
Kabilang dito ang 18 dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative at puganteng si Zaldy Co.
Sa kabila nito, iginiit ni Romualdez na hindi siya uurong sa laban at patuloy na haharapin ang imbestigasyon.
Samantala, tiniyak ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na mapagkakatiwalaan ang kanilang mga ihaharap na testigo at suportado nito ang mga ebidensya nang kanilang mga salaysay.
Bagama’t may isyu sa joint affidavit ng 18 dating bodyguard, napatunayang malinaw at magkakatugma naman daw ang kanilang magkakahiwalay na affidavits, partikular sa umano’y cash deliveries na sangkot sina Zaldy Co at Martin Romualdez.










