-- Advertisements --

Isinusulong nina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang panukalang batas na magtatatag ng National Oral Health Program upang maisama ang serbisyong dental sa pangunahing sistemang pangkalusugan at mapalawak ang access lalo na para sa mga kulang sa serbisyong medikal.

Kabilang sa mga may akda ng panukala sina Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude A. Acidre ng Tingog Party-list.

Sa ilalim ng House Bill No. 4691, kinikilala na mahalagang bahagi ng kabuuang kalusugan ang oral health. 

Ayon kay Romualdez, layunin ng panukala na gawing abot-kaya at accessible ang serbisyong dental, lalo na para sa mga bata, buntis, at senior citizens.

Binibigyang-diin ng panukala ang pagpapalakas ng preventive care at pamumuhunan ng pamahalaan upang mabawasan ang mga sakit sa ngipin at mapagaan ang gastusin ng mga pamilya.

Itatatag ang National Oral Health Program na magpapalawak ng basic dental services tulad ng check-up, cleaning, pasta, at bunot, at isasama ito sa mga umiiral na programa ng pamahalaan gaya ng Universal Health Care Act.

Inaatasan din ang PhilHealth na palawakin ang coverage para sa serbisyong dental para sa mga bata at matatanda.

Upang mas mapalakas ang implementasyon, lilikha ng Oral Health Service sa ilalim ng Department of Health na mangangasiwa sa mga polisiya at programa sa buong bansa. 

Magkakaroon din ng dagdag na dental professionals, lalo na sa mga liblib at mahihirap na lugar.

Bahagi rin ng panukala ang pagpapalakas ng information campaigns sa buong bansa at pagdedeklara ng buwan ng Pebrero bilang National Oral Health Month.

Sakaling maging batas, inaasahang mapapabuti nito ang kalusugan ng ngipin ng mga Pilipino at mababawasan ang pasanin sa gastusin ng bawat pamilya.

“Hindi dapat ituring na hiwalay ang kalusugan ng ngipin—ito ay bahagi ng kabuuang kalusugan ng bawat Pilipino. Sa panukalang ito, sisiguraduhin nating ang serbisyong dental ay abot-kaya, accessible, at hindi pribilehiyo kundi karapatan, lalo na para sa mga bata, buntis, at senior citizens,” pahayag ni Rep. Martin Romualdez.