Ipinahayag ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na itinuturing na niyang “tapos na” ang usapin ng umano’y confidential fund misuse, bribery, at unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte, at sapat na umano ang mga ebidensya para makapaglabas ng probable cause sa impeachment case.
“Tapos na ‘yung usapan ng confidential funds misisuse, tapos na ‘yung usapan sa unexplained wealth. Tingin ko may probable cause doon as dalawang bagay na iyon,” ani Ridon sa isang pahayag noong Linggo.
Ayon kay Ridon, malinaw na may matibay na basehan ang mga alegasyon, partikular ang report ng Anti-Money Laundering Council na nagsasabing may humigit-kumulang P6.7 billion “covered” at “suspicious” transactions na konektado kina Sara Duterte at sa kanyang asawa na si Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Giit niya, kahit pa sabihing inflows at outflows ang mga transaksyon, nananatiling malaki ang agwat kumpara sa idineklarang yaman ng Bise Presidente.
Tinukoy din niya ang umano’y P40 million na transaksyon noong 2022 na hindi umano tugma sa deklaradon ng net worth na nasa P70 million lamang.
Dagdag pa ni Ridon, kahit ang kabuuang kita ng mag-asawa bilang mga abogado at opisyal ng gobyerno, pati na rin ang kanilang income tax records na tinatayang nasa P73 million, ay hindi umano makapagpapaliwanag sa bilyon-bilyong transaction ng pera sa kanilang mga account.
Samantala, inaasahang pagdedesisyunan sa Abril 29 ang magiging pinal na hakbang ng House Justice panel kaugnay ng impeachment complaint laban kay VP sara.















