Muling nagpakawala ng ash plume ang Kanlaon Volcano noong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa monitoring ng state volcanologists, ang pagbuga ng abo ay naitala mula 6:28 p.m. hanggang 6:55 p.m. noong Abril 26, kung saan umabot sa humigit-kumulang 1,200 metro ang taas ng plume bago ito tangayin patungong timog-kanluran.
Ayon sa PHIVOLCS, nauna nang naobserbahan ang ash emissions noong Sabado ng umaga at Biyernes ng hapon, na nagpapakita na nananatiling aktibo ang bulkan.
Patuloy na pinaiiral ang Alert Level 2, na nangangahulugang may “moderate level of volcanic unrest.”
Nagpaalala ang ahensya sa publiko na manatiling alerto dahil sa posibilidad ng biglaang pagputok, paglabas ng abo, at iba pang volcanic hazards sa paligid ng bulkan.
















