-- Advertisements --

Inamin ng State witness at dating Department of Public Works and Highways-National Capital Region Regional Director Gerard Opulencia na nakatanggap siya ng P1 million bilang token gift o pasasalamat mula sa mga kontraktor para sa bawat proyektong ipinatupad noong siya ay district engineer ng North Manila.

Ito ang naging rebelasyon ng dating DPWH official sa kaniyang pagtestigo sa bail hearing nina dating Senador Ramon Revilla Jr. at kaniyang kapwa akusado sa Sandiganbayan Third Division para sa kasong malversation.

May kaugnayan ang kaso sa P92.8 milyong umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Isinalaysay pa ni Opulencia na bilang NCR RD, inaatasan niya ang apat na district engineers na kolektahin ang commitment fee para dalhin sa mga proponent, o public officials, sa ilalim umano ng direktiba mula sa kaniyang kapwa state witness at dating DPWH USec. Roberto Bernardo.

Subalit, ayon kay Opulencia, blangko siya kung paano kinokolekta ng district engineers ang commitment fee mula sa mga kontraktor.

Ngunit hindi naniniwala rito ang Sandiganbayan Third Division chairperson na walang personal na kaalaman si Opulencia. Tanong ni Associate Justice Karl Miranda, paanong hindi niya alam kung paano kinokolekta ang commitment fee gayong siya ang nag-utos? Giit pa ng Associate Justice na nabigyan ng immunity si Opulencia mula sa kaso kayat dapat na magsabi ito ng buong katotohanan.

“Iinutos mo tapos di mo alam paano kukunin? Pinaglololoko mo ba kami? This is a public hearing. You were given immunity from suit. You should tell the whole truth,”

Nanindigan naman si Opulencia na wala siyang alam kung paano ito kinokolekta.

Nauna nang nangako ang dating DPWH official na isauli ang P150 million sa gobyerno kapalit ng kaniyang aplikasyon para maging state witness. Sa kaniyang pagharap sa korte ngayong Biyernes, Abril 24, iniulat ni Opulencia na nakapagsauli na siya ng P130 million.

Sa pagtatapos ng pagdinig, sinabi ni Associate Justice Miranda na kaniyang pinagiisipan kung nararapat bang maging state witness o magkaroon ng immunity si Opulencia mula sa pananagutan sa demanda o kaso kasunod ng kaniyang pagtestigo.