-- Advertisements --

Buo pa rin ang suporta ng mga miyembro ng Party-list Coalition sa kanilang presidente na si 1-Pacman Party-list Rep. Michael “Mikee” Romero.

Sa panayam ng Bombo Radyo, pinabulaanan ni 1-SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang balitang magkakawatak-watak na sila ngayon sa coalition.

Ito ay matapos na lumagda si Romero sa isang manifesto of support sa pagnanais ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na maging Speaker ng Kamara sa 18th Congress kahit hindi nakonsulta ukol dito ang ilang miyembro ng Party-list Coalition.

Pero iginiit ni Marcoleta na hindi naman nagbago ang kanilang pagturing kay Romero at nananatili pa rin daw ang kanilang suporta para sa kanilang presidente.

“Wala naman, kasi may nababasa ako na parang nagkakawatak-watak daw kami at papalitan namin siya (Romero) pero hindi iyon totoo,” ani Marcoleta.

Humingi na rin aniya ng paumanhin si Romero sa mga miyembro ng Party-list Coalition na pumalag sa paglalagda nito sa naturang manifesto.

Samantala, muling magpupulong naman sa Hulyo 2 ang Party-list Coalition upang mapagpilian na kung sino ang kanilang susuportahan sa speakership race.