-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit kalahating milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Rolly sa sektor ng agrikultura sa Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA)-Region 2, sinabi niya na batay sa kanilang talaan nasa P508 million ang nasira sa palay, P222,000 sa mais at P162 million sa high value crops.

Plano aniya ng DA na bigyan ng ayuda ang mga magsasaka ng palay, habang magmumula sa Quick Response Fund ang tulong na ibibigay sa mga magsasakang nasiraan ng pananim na mais.

Pangunahin sa mga mabibigyan ng ayuda ang mga magsasaka ng mais na huling nagtanim sa dry season.

Batay sa datos, nasa 10,000 hectares na totally damaged ang unang bibigyan ng ayuda habang isusunod ang mga partially damaged na 24,000 hectares.

Magmumula sa pondo ng Bayanihan 2 ang ayudang binhi na ipapamahagi sa mga magsasakang nagtanim ng High Value Crops .

Ang mga ayuda sa mga magsasakang naapektuhan ng mga pag-ulan na dala ng bagyong Rolly ay idadaan sa mga Muncipal Agriculture Office (MAO) sa buong rehiyon.

Ayon kay Regional Director Edillo, ilang MAO na ang nakapag-release ng mga ayudang binhi.

Pinayuhan naman ni Ginoong Edillo ang mga MAO na ubusin na ang kanilang buffer stocks.