Target ngayon ng Department of Agriculture na simulan na ang pagbebenta ng mga nakumpiskang smuggled na asukal sa mga Kadiwa store pagsapit ng buwan ng Abril ng taong kasalukuyan.
Ayon kay DA spokesperson Kristine Evangelista, sa ngayon ay isinasapinal pa ng kagawaran ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng mga ito upang maibenta na ito sa mga Kadiwa stores, Kadiwa on Wheels, at maging sa mga Kadiwa-accredited retailers.
Aniya, layunin nito na maibenta kada kilo sa mga kadiwa stores at tinitignan na aniya sa ngayon kung gaano katagal ang itatagal ng mga supplies nito.
Ngunit nilinaw niya na sa oras na mapahintulutan na ang pagbebenta nito sa mga Kadiwa stores ay papahintulutan lamang na makabili ang isang pamilya ng maximum na dalawang kilo.
Samantala, bukod dito ay sinabi rin ng DA na kinokonsidera din nito ang pagbebenta ng mga smuggled commodities tulad ng bigas at gulay sa mga Kadiwa stores.
Matatandaang kamakailan lang ay sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbebenta ng 4,000 metric tons ng smuggled refined sugar sa mga Kadiwa centers sa halagang Php70 kada kilo na katumbas na halaga ng actual mill gate price.