Matapos ang ilang serye ng big-time oil price hike, makakahinga ng bahagya ang mga motorista dahil sasalubong ang inaasahang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo pagpasok ng unang linggo ng taong 2024.
Base sa oil trading sa nakalipas na 4 na araw, iniulat ni Department of Energy (DOE)-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na maaaring matapyasan ang presyo ng diesel sa P0.10 hanggang P0.35 kada litro.
Sa Kerosene naman ay maaaring magkaroon ng rollback na P1 hanggang P1.10 kada litro.
Para naman sa gasolina, inaasahang walang paggalaw o posibleng magkaroon ng umento na P0.10 kada litro.
Paliwanag ng DOE official na maiuugnay sa paghupa ng mga isyu sa pagkaantala ng shipping sa may Red Sea at inaasahang mananatiling steady ang oil output ng Russia sa 2024.
Maaari pang magbago ito depende sa magiging resulta ng oil trading ngayong araw ng Biyernes.
Inaasahan na sa araw ng Lunes, Enero 1, iaanunsiyo ng mga oil company ang paggalaw sa oil price na ipapatupad sa araw ng Martes.