-- Advertisements --

Malugod na tinatanggap ng chairman ng House committee on constitutional amendments at Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang pagbabago ng puso o change of heart ng mga senador sa Charter Change.

Ayon kay Rep. Rodriguez kung seryoso ang Senado dapat i-target tapusin ang pagsisikap na ito bago ang holy week break ng Kamara sa Marso 23, 2024.

Kumpiyansa si Rodriguez na kaya nilang tapusin ang Charter Change sa buwan ng Marso.

Ayon kay Rep. Rodriguez mahalaga aniya na ang mga mahigpit na probisyon sa ekonomiya ng Saligang Batas ay maisaayos sa paraang makaakit ng mga dayuhang pamumuhunan, na lilikha naman ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kita para sa mga Pilipino.

Giit ng mambabatas sa halip na mag-aksaya ng oras na makakita at matakot sa mga multo at ang no elections na mga senaryo na wala sa patuloy na people’s initiative, dapat makipagtulungan sa Kamara ang mga senador para sa mga pagbabago sa mga probisyon sa ekonomiya na maaaring mapagaan ang panggigipit ng ating mga tao para kumilos  sa Charter reform.

Binigyang-diin ni Rodriguez na panahon na para amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.

Giit ng beteranong mambabatas nasa pang walo ang Pilippinas ngayon sa foreign direct investment sa 10-member ASEAN.

Aniya nakaka alarma ito dahil naungusan na ang Pilipinas ng Vietnam at Cambodia, lamang lang ang Pilipinas sa Laos at Myanmar.

Giit ng mambabatas na patuloy na binabalewala ng Senado ang sigaw ng mga tao para sa reporma sa Charter na ipinahayag sa pamamagitan ng kanilang mga inihalal na kinatawan ng distrito hanggang sa magpasya ang mga tao na gawin ang mga bagay sa kanilang sariling mga kamay.

Umaasa si Rodriguez na magtatagumpay ang Charter reform advocacy ng Kamara sa pagkakataong ito para sa kapakanan ng ating bansa, ating ekonomiya at ating mga tao.