-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Mahigpit na pinag-iingat ng mga otoridad ang mga motoristang dumadaan sa Barangay Calayucay, Sto. Domingo, Albay, matapos na makapagtala ng rockslide.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sto.Domingo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Mart Ian Siapno, itinuturing na talagang “high risk” sa rockslide ang naturang lugar dahil sa mga naitatalang pagguho ng lupa tuwing tag-ulan.

Kahapon lang nang may mangyaring maliliit na rockslide sa lugar subalit wala namang naiulat na nasaktang motorista o residente.

Nabatid na inabot pa ng isang oras ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang clearing operation upang muling madaanan ang kalsada na papuntang coastal area.

Payo ng opisyal sa mga dumadaan sa lugar na maging maingat at alerto sakaling magkaroon uli ng rockfall event at landslide lalo na’t may mga pag-ulan ngayon sa lalawigan.