Umapela si Vice President Leni Robredo sa mga opisyal ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na makipagtulungan sa kanya.
Iginiit ni Robredo na wala na siyang panahon pa para makipagkompetensya sa mga opisyal ng ICAD.
Pahayag ito ng ni Robredo, co-chair ng ICAD, bilang sagot sa umano’y mga hinanakit sa kanya ng ilang opisyal ng ahensya.
“Wala na tayong time para magpaligsahan. Lagi kong inuulit, two and a half years na lang, sasayangin pa ba natin sa paligsahan?” ani Robredo.
Kasabay nito ay iginiit ng Bise Presidente na hindi akma para tawagin siyang anti-drug czar dahil sa ngayon ilan sa mga opisyal aniya ng ICAD mula sa iba’t ibang member agencies ay hindi nakikipagtulungan sa kanya, sa kabila ng utos mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtulungan sa ahensya.
Kamakailan lang ay hiningi ni Robredo ang kopya ng mga high-value drug personalities.
Subalit binigyan muna siya ng mga kondisyon ng kapwa ICAD co-chair at Philippine Drug Enforcement Agency chief na si Aaron Aquino.
Ayon kay Aquino, maituturing classified information ang listahan na hinihingi ni Robredo at hindi lahat ay maaring bigyan ng kopya nito.
Subalit binigyan diin ni Robredo na kailangan niya ang naturang listahan dahil pangunahing trabaho ng isang ICAD chair ay matiyak ang pagka-aresto ng mga high-value drug personalities.