-- Advertisements --

Nagpasaring si Vice President Leni Robredo sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa mga ambag ng kanyang opisina sa iba’t-ibang sitwasyon.

Magugunitang inulan ng batikos mula sa mga kritiko ang naging inisyatibo ng Office of the Vice President (OVP) matapos manalasa ang, sa pangunguna mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at ilang opisyal.

“Mula 2016 grabe na talaga iyong disinformation drive. Pero kapag pag-aaralan mo, Ka Ely, kailan ba siya tumitindi? Tumitindi siya each time na may ginagawa tayong medyo maayos,” ani Robredo sa kanyang weekly program.

Para kay VP Leni, sinasalamin ng mga atake ang pagkabigo ng mga opisyal na matugunan ang kanilang mandato.

Kaya naman ang nagiging resulta ay panghihila pababa sa ibang opisyal na nagagampanan ang kanilang tungkulin.

“Tingin ko iyong mas malaking effect nito parang ang bini-bring out niya sa tao iyong kasamaan. And ito, Ka Ely, pagpapakita ng palpak na klaseng leadership. Ang mahusay na lider ang bini-bring out mo sa tao kabutihan, hindi kasamaan. Kasi kung ang bini-bring out mo sa tao kasamaan, failure ka na talaga.

Kamakailan nang pagdiskitahan din ng “trolls” ang anak ni Robredo na si Tricia, na kakapasa lang ng board exam sa pagka-doktor.

“Ginaya iyong kaniyang Facebook page at nagkukunwaring siya. Tapos may mga kunwari na conversation pero halata naman na kung sino iyong kunwaring kausap, iyon din iyong troll, nagkunwari lang talaga. So sobrang evil talaga iyong pag-iisip. Obviously, Ka Ely, parang gumagawa-gawa ng something kasi kapapasa lang ng [anak] ko doktor na siya ngayon. Ganoon iyong ginagawa nila, Ka Ely, kapag medyo may achievement ka, may ginagawa ka o may na-accomplish ka, hihilahin ka pababa.”

Magugunitang nag-sorry sina Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo at Defense Sec. Delfin Lorenzana kay Robredo matapos akusahan na ginamit ang isang C130 government plane sa pag-aabot ng tulong sa Catanduanes.

Itinanggi ito ng kampo ni Robredo, na pribadong sektor ang naging ka-partner sa pagbibigay ng responde sa mga sinalanta ng bagyo.

“Kapag isa kang lider na nagiging masama iyong followers mo, ano iyong—‘di ba, para sa akin, Ka Ely, reflection iyan ng klase ng leadership, eh. Kung isa kang leader na ang nabi-bring out mo sa tao kabutihan, mabuti iyon kasi iyong ginagawa mo nagmu-multiply ka ng kabutihan.”

“Kapag nai-inspire mo iyong tao na maging sinungaling, kapag nai-inspire mo iyong tao na lahat kabastusan iyong lumalabas sa bibig, reflection iyon sa iyo, eh. Iyong binibiktima mo, hindi nababawasan. Ang nababawasan ikaw. Iyong naniniwala sa kasinungalingan mo, iyon iyong nabiktima mo, hindi iyong object ng kasinungalingan.”

Nitong araw nang sagutin ni VP Leni ang isang online post na naglalaman ng malaswang pahayag sa kanya at kay Duterte.

“Hindi naman ako ang nabawasan. Yung na dadamage ng mga ganitong comments ay yung pamilya na pinanggalingan ng mga taong katulad nito, at yung mga lider na iniidolo nila.”