Binanatan ni Vice President Leni Robredo ang tuluyang terminasyon ng pamahalaan sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at Amerika sa gitna ng mahahalagang issue na hinaharap ngayon ng bansa.
Naniniwala si Robredo na kailangan ng maingat na pag-aaral sa VFA termination lalo na’t may pasan din ng estado ang problema sa novel coronavirus.
“Nakakagulat na ganoong kabilis,”ani Robredo.
“Kasi iyong naiisip ko, iyong pumutok iyong coronavirus: iyon, iyong agarang pagdesisyon ng pamahalaan, kinakailangan para maproteksyunan iyong kalusugan ng mga mamamayan, pero naghintay pa ng ilang araw bago magdesisyon. Pero ito, parang sinantabi iyong pakikiusap ng AFP, ng Senate, ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan.”
Ipinagtataka ng pangalawang pangulo kung may mas malalim na rason ang gobyerno kaya nauwi sa terminasyon ang desisyon.
“Hindi ko maintindihan kung ano iyong dahilan. Isang bagay na kailangang pag-aralan nang mabuti, isang bagay na kailangang pagdiskusyunan muna, bakit minamadali? Minamadali ba dahil sa galit na hindi napagbigyan iyong mga kaalyado? Galit dahil sa may kinanselang visa? Parang hindi ito tama, na iyong security ng ating bansa iyong nakataya,” ani Robredo.
Kung ang bise raw ang tatanungin, pag-aralan pa sana ng mga opisyal ang hakbang dahil tiyak na may magiging epekto ito sa estado.
“Ang hinihingi lang natin sana pag-aralan nang maayos. Ano ba naman iyong upuan at pakinggan iyong kaisipan ng iba’t ibang mga sektor?”
“Dito ako nagugulat kasi may mga inaasahan tayong agarang desisyon, hindi naman nagdedesisyon kaagad. Pero ito na kailangang pag-isipan nang maayos, sobra naman yatang bilis.”