Ipinasilip ng Department of Transportation (DOTr) ang mga disenyo ng modern public utility vehicles (PUV) na target paandarin sa mga kalsada ngayong taon sa ilalim ng modernization program.
Ayon sa DOTr, mas fuel-efficient ang engine ng mga bagong PUV at mas environment-friendly dahil mas kaunti na ang carbon footprint na ilalabas nito.
Mas komportable rin daw ang upuan ng mga ito at dinesenyo para lagyan ng air-condition, at automated fare collection system kung saan pwede magbayad, internnet connection.
Mayroon din daw itong securtiy features tulad ng dash camera, CCTV; gayundin na convenient para sa mga may kapansanan.
Ang hakbang na ito, bagamat matagal nang inaprubahan at nakabinbin ang implementasyon, ay tampunan pa rin ng batikos mula sa ilang tsuper at operator ng mga lumang jeep.
Si Vice President Leni Robredo, sinabing hindi angkop umano’y fast tracking na ginagawa ng LTFRB sa programang ito ngayong panahon ng pandemya.
“Hindi naman actually kumokontra iyong mga jeepney drivers and owners. Ang hinihingi nila, gawing mas maluwag para sa kanila iyong terms, iyong terms ng pag-modernize. Tapos ngayon, kung ipipilit mo iyon, na hindi kayang mag-modernize as of this time, at hindi mo ipapakayod, eh ‘di pinaboran mo na naman iyong mga mayroon.”
“Ang kawawa naman iyong mga wala. Eh dapat sana ang tinutulungan iyong mga wala para kahit paano makahabol nang kaunti.”
Ayon kay VP Leni, tinatayang nasa 70,000 ang bilang ng jeepney driver sa National Capital Region na naapektuhan ng tigil pasada dahil sa COVID-19 pandemic. P78,000 na halaga ng kita naman daw ang nalugi sa kanila.
Panawagan ng bise presidente, bigyan sana ng pagkakataon ng pamahalaan ang maliliit na tsuper na makahabol sa modernisasyon sa pamamagitan ng mas angkop na tulong at plataporma.
“Parang pinapaboran na naman natin dito iyong mga mayayaman, iyong mga mayayaman na may-ari na kapag sinabi mong modernize, kaya agad. Paano iyong mga naghikahos na hinulugan iyong kanilang mga jeep? Iyong iba baka hindi pa tapos iyong hulugan, tapos gagawin mo ito.”
“Sana mas maging compassionate iyong LTFRB dito, iyong DOTr, na okay naman na gawin iyong modernization ngayon, pero siguruhin na wala namang maiiwan at iyong naiiwan hindi iyong— Paminsan kasi ang tingin kaagad, iyong hindi nagko-comply kasi matigas iyong ulo. Hindi iyan nagko-comply kasi walang pang-comply.”