Tinawag ni Vice Pres. Leni Robredo ang pansin ng pribadong sektor kaugnay ng pagpapatupad ng “work from home” arrangement dahil sa naitalang mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa isang video message, hinimok ni Robredo ang mga kompanya na ikonsidera na ang nasabing option na una ng binanggit ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Nananawagan din po tayo sa ating mga kasama sa gobyerno, pati na rin sa pribadong sektor: Baka panahon na para i-consider ang work-from-home na areglo, basta hindi masasakripisyo ang mga serbisyong ipinaaabot natin sa publiko.”
Pinababantayan din ni Robredo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga magtatangka na mag-hoard ng mga produkto, sa gitna ng ipinatupad na “price freeze.”
Pati na mga pribadong establisyemento at gusali ay pinayuhan din ng bise presidente.
“Maging mas mahigpit din sana tayo laban sa mga profiteers na nagho-hoard ng mga produktong ito. Sa mga building at condo administrators, at sa mga nagpapatakbo ng negosyo: Gawin po natin ang lahat, lalo na ang mga basic preventive measures, para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa ating mga lugar.”
“Ipaalala natin sa mga tumatangkilik sa atin ang tamang hygiene. Mag-disinfect ng ating mga establisimyento. Maglagay ng alcohol at hand sanitizer sa lugar na madaling makita, at laging siguruhing may sabon ang mga banyo. Sana rin po lahat sa atin makiisa sa kinauukulan para maging mas mabilis at epektibo ang contact tracing.”