-- Advertisements --

Nangangamba si Vice President Leni Robredo na posibleng kulang ang dalawang linggong modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan, para mapabuti ang health system ng bansa laban sa COVID-19.

Ngayong Lunes kasi inaasahang maga-anunsyo si Pangulong Rodrigo Duterte ng update sa estado ng National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na pare-parehong naka-MECQ.

“Tingin ko malaki ang effect, pero tingin ko mas malaking question iyong nagamit ba natin na maayos iyong past 12 days? Kasi ika-12th day ngayon. Nagamit ba natin ng maayos para makahabol ng kaunti o mapahingahan ng kaunti iyong mga ospital?,” ani Robredo.

Para sa pangalawang pangulo, may ilang butas pa na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan ng mga otoridad.

Kabilang dito ang ilang ospital na hindi pa rin tumatanggap ng pasyente dahil sa over capacity, aberya sa testing machines, at tamang pasilidad sa quarantine.

“Papaano kung nasa bahay lang, pero walang sariling kwarto? Papaano magiging safe iyong mga kasama niya sa bahay? Or iyong mga naka-quarantine sa mga—sa mga eskwelahan. May naka-quarantine sa mga gym. Papaano mo masisiguro na hindi sila sila naghahawaan?”

May mga nais ding linawin si VP Leni pagdating sa usapin ng polisiya sa recovery tagging, contact tracing, at mandatoryong pagsusuot ng face shield sa pampublikong transportasyon.

Pero ang pinaka-ikinababahala ng bise, ay ang hindi pa rin umano “timely” o napapanahong pagre-report ng Department of Health sa mga bagong kaso ng COVID-19.

“Hindi pa natin nakikita ngayon iyong effect ng MECQ dahil iyong turnaround ng reports ay hindi real-time. Gustong sabihin, iyong nakikita natin ngayon na reports ng mga nag-positive, ng mga namatay, ng mga recovered, ano ito, eh ang iba ay carry-over pa from July. Ang iba carry over from first week of August, from few days ago.”

Sa nakalipas na halos dalawang linggo, naging abala ang Department of Health at member agencies ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team, sa pagbisita sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan para magpalitan ng best practices laban sa COVID-19.

Kanila rin tinalakay ang pagpapatupad ng mas mahigpit na localized lockdown at koordinasyon sa mga ospital at quarantine facility para mabasag ang community clusters.

Nitong araw nag-report ang DOH nang higit 3,000 bagong kaso ng COVID-19. Ang total ngayo ay higit 161,000 na.