Kinuwestyon ni Vice President Leni Robredo ang panukalang batas na inihain sa Kamara ng presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“When I first read about it, iyong pinaka-tanong ko sa sarili ko: ‘Ngayon pa talaga?’ Ngayon pa talaga na dapat all hands on deck tayo na nagtutulong-tulong para masugpo iyong pandemya,” ani Robredo sa isang interview noong Huwebes.
Iginiit din ng bise presidente na bukod sa nasa gitna pa ng krisis ng pandemya ang bansa, ay malinaw naman ang rason bakit isinunod sa pangalan ng dating Sen. Ninoy Aquino ang paliparan.
Noong 1987 nang aprubahan ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Republic Act No. 6639 na nagpapalit sa pangalan ng dating Manila International Airport (MIA).
Bahagi ito nang pag-alala sa asawa nitong dating senador, na pinatay sa tarmac ng MIA, na naging mitsa rin ng People Power Revolution.
Sa ilalim ng panukala ni Rep. Duterte at ilan pang kongresista, nais nilang palitan ang NAIA bilang “Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.”
Noong 2018, isa ang NAIA sa mga tinaguriang “most improved” airport ng Skytrax, isang Londan-based research firm na gumawa ng survey.










