Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na pagbutihin ang pandemic response kaysa ang “propaganda” matapos na maitala ang -8.3% gross domestic product sa fourth quarter ng 2020.
Kinikilala ni Robredo ang epektong dulot ng COVID-19 pandemic pagdating sa ekonomiya, subalit sa mga panahon na ito ay dapat ipinapakita aniya ang “quality response” ng pamahalaan.
Iginiit ni Robredo na maging ang mga kalapit na bansa ay umaaray din naman sa epekto ng pandemya pero tila “mas maayos” ang mga ito kumapra sa Pilipinas.
“So para sa akin, dapat sana iyong response— Huwag na tayo sa propaganda. Iyong response dapat, tinutugunan kung paano mare-resolve nang mas maaga. Kasi mas matagal iyong ganito, mas marami tayong mga kababayan na maghihirap,” dagdag pa ni Robredo.
Nauna nang sinabi ni acting NEDA Sec. Karl Kendrick Chua na nagambala ang growth momentum at development trajectory ng bansa bunsod ng pandemya.
Ang naitalang contraction sa GDP ng Pilipinas ay dahil sa pagbaba nang performance ng construction sector (-25.3%), other services (-45.2%), at accomodation at food service activities (-42/7%).
Ang mga figures na ito ang siyang dahilan kung bakit ang GDP sa buong 2020 ay -9.5%.