Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang desisyon ng Manila Regional Trial Court na guilty sa kasong cyberlibel ni Rappler CEO Maria Ressa at dating writer na si Reynaldo Santos, Jr.

Sa isang statement sinabi tinawag na “chilling development” ni Robredo ang hatol ng mababang korte na tila banta sa kalayaan ng nakararami.

“Kung mababaluktot ang batas at mga institusyon ng gobyerno upang idiin ang isang Maria Ressa, ano pa kaya ang ibig sabihin nito para sa mga kalayaan ng ordinaryong mamamayan?”

Binigyang diin ng bise presidente na hindi ito ang unang beses na ginamit ang batas para busalan ang press freedom. Malinaw din umano kung ano ang mensahe nito.

“Silencing, harrasing and weaponizing law against the media sends a clear message to every dissenting voice: Manahimik kayo, kung ayaw ninyong matulad sa kanila.”

Ayon kay VP Leni, sa gitna ng hinaharap ng Pilipinas na krisis dahil sa COVID-19 pandemic, malaki ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag.

Ito ay para masigurong wasto ang impormasyong pinagbabasehan ng mga desisyon, at para rin magsilbing paalala sa kahalagahan nito sa demokrasya.

“Despite this outcome, it is incumbent upon the press, and every free Filipino, to hold fast to our courage and not be cowed into silence. Bagkus, patatagin pa sana nito lalo ang ating loob, sa patuloy nating pagpanday ng isang makatao, makatotohanan, at makatarungang lipunan.”