-- Advertisements --

Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang iba pang ahensya ng pamahalaan na targetin din ang “unqualified opinion” rating mula sa Commission on Audit (COA), matapos muling makatanggap ng highest audit rating ang kanyang opisina.

“Ang gustong sabihin nito (rating) walang isyu. Walang major issue na parang na-commit iyong Opisina pagdating sa paghawak ng pera,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Ayon sa pangalawang pangulo, larawan ng pagiging patas at malinis na serbisyo sa publiko ang naturang audit rating, na dapat inaasam din ng iba pang government agencies.

Ito na ang ikalawang sunod na taong nakatanggap ng “unqualified opinion” rating ang Office of the Vice President. Mula naman 2017, seritipikado rin ng International Organization for Standardization (ISO) ang tanggapan ng bise presidente sa termino ni Robredo.

“Ka Ely, pagpasok ko ng 2016, iyon talaga iyong inayos namin. Iyong mga proseso sa Opisina para masiguro na mayroon kaming mga paraan na nache-check iyong lahat na proseso para maayos iyong paghawak namin at saka paggastos ng pera.”

Naniniwala si Robredo na naka-depende sa pinuno ng bawat ahensya ang malinis at maayos na operasyon ng kanilang tanggapan.

“So ano talaga iyon, malaking bahagi ng success iyong mga namumuno, hindi lang iyong pinaka-pinuno pero pati iyong mga department heads, mga unit heads, napakahalaga na maayos din sila. Kasi kung hindi sila maayos, hindi sila susundin.”