-- Advertisements --

Muling nanawagan si Vice President Leni Robredo sa Department of Health (DOH) na bilisan ang accreditation ng mga laboratoryo para sa COVID-19 testing.

Hindi kasi kumbinsido ang pangalawang pangulo sa pagbubukas ng general community quarantine ng ilang lugar sa bansa bukas, sa kabila ng biglang taas ng mga naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.

“Pero iyong problema nga, medyo nahuli tayo doon sa testing. Tapos kahit nagte-test na tayo, ang bagal talaga ng results. Iyon iyong reklamo ng lahat.”

Sa huling case bulletin na inilabas ng DOH, may 37 laboratoryo na ang certified sa pagsasagawa ng RT-PCR tests.

May 11 GenExpert laboratories din ang binigyan ng certification ng ahensya.

Pero nasa 105 na laboratoryo pa sa buong bansa ang nasa Stage 3 at pataas ng accreditation.

“Sana bilis-bilisan. Kasi kung bibilis-bilisan, baka hindi na kailangan nitong bagong classification na “late”, iyong “fresh” saka “late”, na dapat as soon as possible, maibigay na iyong resulta,” ani VP Leni.

Nitong Huwebes nang magsimulang umakyat pabalik sa higit 500 ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Pero paliwanag ng DOH, nahahati ang mga ito sa “fresh” at “late” cases kaya walang dapat ikabahala ang publiko sa pagbubukas ng GCQ.