Hanggang ngayon ay may ibang teachers pa rin daw na walang kopya ng learning modules para sa pagsisimula ng klase sa August 24, ayon kay Vice President Leni Robredo.
Ito umano ang reklamong natanggap ng bise presidente nang makipagpulong sa grupo ng ilang teachers nitong nakaraang linggo, kung saan inamin nilang hindi pa sila handa sa pagbubukas ng klase.
“Noong Friday, 17 days before the opening of classes, hindi pa nila alam kung saan nila kukunin iyong modules,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Hiling daw ng mga gurong nakausap ni VP Leni, iurong ang pagsisimula ng klase at hintaying matapos ang printing ng mga modules.
Gusto rin daw sana nilang matiyak na ligtas ang kanilang workplaces sa gitna ng pagbubukas ng klase.
“Humihiling sila na sana man lang ma-test sila. Humihiling sila ng regular medical check up. Humihiling sila na siguraduhin lang na habang nagre-render sila ng service, protektado.”
Nangako ang pangalawang pangulo ng tulong sa pamamagitan ng pag-aabot ng sulat sa Department of Education.
Bukas, inaasahang dadalo sa dry-run ng blended learning ng DepEd si Robredo matapos imbitihan ng Malacanang.
Kung maaalala, una nang sinabi ng Education department na P9-bilyon ang kanilang inilaan para sa printing ng learning modules na gagamitin ng mga estudyanteng hindi makakasabay sa online classes.
“Mayroon silang appeal sa DepEd na nagpromise akong icha-champion ko iyong kanilang appeal. This week siguro, or Monday or Tuesday ipapadala ko sa DepEd.”
““Baka may lost in translation sila. Hindi alam ng teachers how to go about it. So siguro iyong paki-usap natin sa DepEd, ayusin iyong communication structure.”