Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang Department of Education (DepEd) na maging proactive sa pagresolba sa mga issues na kinakaharap ng mga mag-aaral at kanilang mga guro.
Ito ay kahit pa sang-ayon na rin sa ngayon si Robredo sa desisyon ng pamahalaan na huwag na munang magdaos ng physical classes dahil sa banta ng mas nakakahawang Delta coronavirus variants na nakakaapekto rin sa mga bata.
Dati, sinabi ni Robredo na dapat ay pinayagan na ng DepEd ang pagdaraos ng face-to-face classess sa mga lugar na wala namang naitatalang COVID-19 cases.
Iginiit ng bise presidente na “missed opportunity” iyon para sa Pilipinas dahil sa nakalipas na isa’t kalahating taon, noong wala pang Delta variant, napakaraming LGUs sa bansa ang walang naitalang COVID-19 cases.
Dahil sa pinalawig na suspension ng physical classes, sinabi ni Robredo na ang mga mahihirap na komunidad ang matinding tinamaan.
Nauna nang inanunsyo ng DepEd na mayroon silang guidelines na sana para sa reopening ng mga klase sa gitna ng pandemya, pero hinihintay pa nila ang approval ni Pangulong Rodrigo Duterte para rito bago pa man ito maipatupad.
Samantala, sinabi ni Robredo na karamihan sa mga nakahalubilo niyang guro ay nais na ng face-to-face classes dahil sa problemang kinakaharap ng kanilang mga estudyante sa gitna ng blended learning system.
Kaya naman umaapela si Robredo sa DepEd na maging proactive at ipaliwanag kay Duterte na dapat magkaroon ng polisiya para sa mga bata at guro na hirap sa distance learning sa gitna ng pandemya.