Patuloy ang pagkalampag ni Vice President Leni Robredo sa Department of Education (DepEd) kaugnay ng darating na pasukan sa August 24.
BASAHIN: Sumulat si VP Leni Robredo sa DepEd para ihatid ang hiling ng ilang teachers sa darating na pasukan — school supplies, internet connection at proteksyon sa COVID-19. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/DK0YNc3M71
— Christian Yosores (@chrisyosores) August 13, 2020
Sa isang liham na may petsang August 10, inilatag ni VP Leni kay Sec. Leonor Briones ang ilang rekomendasyon na galing sa kanyang nakausap na mga guro, magulang at estudyante.
Ayon kay Robredo, nangangamba ang ilang guro na hanggang ngayon ay wala pa ring hawak na learning modules sa kabila nang itinayong DepEd Commons. Hindi rin naman daw kasi lahat ng teacher ay may internet access.
Bukod dito, hindi umano malinaw kung sino ba ang sasagot sa printing, pagre-reproduce at distribusyon ng modules.
“Schools with proactive local governments can cope better; they get necessary support such as risograph machines and supplies.”
Nanawagan naman si Robredo na bumuo ang DepEd ng mekanismo para sa mass testing ng mga guro bago magbukas ang klase; maglaan ng budget para sa physical check-up at gamot; at siguruhing may personal protective equipment sila at iba pang kailangang gamit laban sa sakit.
“Ensure that hazard pay reaches teachers regularly and on-time.”
Nakatanggap daw ng sari-saring request ang tanggapan ng bise presidente para sa school supplies, kaya naman umapela rin si VP Leni sa kagawaran na ipaliwanag sa mga guro kung saan napupunta ang hawak nilang budget.
“Establish a mechanism for transparency. If the public are apprised of the Department’s resources, including how much is left and where the budget is going, then they will come to understand the Department’s challenges.”
Ayon sa pangalawang pangulo, maaaring gamitin ng Education department ang natitira sa kanilang 2019 budget. Pati na ang P29.5-bilyong pondo sa rehabilistasyon ng mga school building ngayong taon. Ang perang ito raw ang pwedeng magamit na pambili ng kailangang gamit sa distance learning at mga guro.
May P700-milyong budget din daw na para sa in-service training ng mga teachers ngayong taon, na tiyak ay hindi mauubos dahil sa online adjustments.
Maliban sa mga guro ng public schools, may apela rin ang bise presidente para sa mga pribadong eskwelahan pagdating sa usapin ng requirements ng online distance at blended learning.
Ani Robredo, 61% o 14-milyong households sa bansa ang walang internet access. Nasa 74% o 34,700 na eskwelahan naman ang walang sapat na infrastructure para sa online learning.
Aabot daw sa 7-milyong estudyante pa lang may access sa DepEd Commons learning platform. Katumbas pa lang ito ng 35% ng tinatayang 20-milyong estudyante ng public schools sa buong Pilipinas.