-- Advertisements --

Nagmatigas si Vice Pres. Leni Robredo hinggil sa hindi nito pag-attend sa Cabinet meeting bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ayon kasi kay Robredo, hindi siya pupunta ng Malacanang para sa meeting ng gabinete hangga’t hindi ito nakakatanggap ng pormal na imbitasyon mula sa palasyo.

Hindi rin daw kasi tiyak ng bise kung cabinet position ang kanyang co-chair post.

“In-appoint ako, dinesignate ako as co-chairman ng ICAD, ‘yung Cabinet position, Cabinet rank, hindi siya nakasaad doon sa designation. Sinasabi lang ‘yun ni Sec. (Salvador) Panelo during briefings, media guestings, pero ako maghihintay ako na i-clarify kung ano talaga,” ani Robredo.

Kung maaalala, pinagbawalan si Robredo na dumalo sa Cabinet meetings noong 2016 kahit chairperson siya noon ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Kasunod nito ay nagbitiw siya bilang HUDCC chair.

“Sa akin naman, mag-a-attend ako kung imbitahan ako. Pero kung hindi ako imbitahan, hindi ako pupunta kasi naalala mo, sila din ‘yung nag-order sa akin na ‘wag akong mag-aattend.”

“Until such time na walang bagong order, ‘yung dating order nila stands, na hindi ako maga-attend ng Cabinet meetings.”

“Pero sa akin hindi importante. Ang importante, cooperation ng mga agencies. Makikita natin ‘yung sincerity ng offer kung ‘yung mga agencies, fully mag-cooperate,” paliwanag ng bise.