Kinalampag ni Vice President Leni Robredo ang Department of Transportation (DOTr) dahil sa utos ng kagawaran kamakailan na mandatoryong paggamit ng Beep card sa EDSA Busway.
“Agree ako ng cashless transaction, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Agree din ako na napaka-convenient na isa lang iyong card para sa lahat. Kasi alam mo iyon—parang iyon, convenient. Pero ang hindi ako agree, Ka Ely, na ito ay inenforce na walang maayos na communication,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Ayon sa pangalawang pangulo, mabigat na pasakit sa mga mananakay ang dagdag na bayad para matugunan ang automated fare collection system, kaya sana raw ay hindi binigla ang implementasyon.
“Ako, iyong ideya niya, Ka Ely, maganda, in the sense na lahat naman… halos lahat na bansa ginagawa na ito, para convenient—hindi na pumipila, hindi na masyadong nagdadala ng cash, wala masyadong, alam mo iyon, physical na mga hinahawakan; iyong Beep card na lang. Pero iyon nga, Ka Ely, bakit ii-implement siya nang hindi ininform iyong riding public? Kasi iyong mga ininterview, maraming gulat eh, maraming gulat.”
Una nang nanawagan ang DOTr sa system provider ng Beep card para ipamigay ng libre ang cards sa mga commuter.
Ito rin ang apela ni Robredo, na kung maaari ay ikonsidera rin ng AF Payments Inc.
“Dapat expected na ng DOTr na may charge ito, dahil ito ay private iyong gagawa. Iyong sa akin lang, Ka Ely, una iinform iyong tao, para sana iyong mga kababayan natin na hindi kaya iyong P80—kasi P80, P80 iyong cost—para sana iyong hindi nakakakaya ng P80, natulungan.”
“‘Di ba puwede namang gobyerno iyong mag-assume ng P80, nagpapa-load na lang iyong sumasakay. Pero iyong basic card, tingin ko kaya naman iyon ng gobyerno, na siya iyong mag-provide.”










