-- Advertisements --

Inihayag ng isang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si dating Undersecretary Catalina Cabral umano ang nag-utos na isama si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang project proponent sa ilang proyekto, kabilang ang kontrobersyal na flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan, sinabi ni Engr. Peter Paul Cortes na ang pangalan ni Revilla ay kasama sa amended 2025 budget proposal na may errata noong Setyembre 2024, na pirmado nina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at kalaunan ay isinumite sa House Committee on Appropriations.

Ayon kay Cortes, ang paglalagay ng mga pangalan ng proponents sa database ng ahensya ay batay sa direktiba ni Cabral, at tinatanggap din ang mga kahilingan basta’t may endorsement mula sa kanya o kasama sa regional budget proposal.

Nilinaw naman niya na walang natatanggap na bayad ang kanilang tanggapan sa pag-encode ng ganitong mga request at wala rin siyang alam sa anumang umano’y hatian sa pondo ng proyekto.

Samantala, hindi dumalo si Revilla sa pagdinig dahil sa migraine, habang nakatakdang tumestigo sa mga susunod na araw ang iba pang opisyal ng DPWH kaugnay ng kaso. ( report by Bombo Jai)