Naniniwala si Vice President Leni Robredo na dapat patunayan ng estado ang mga pangako nito sa European Parliament kasunod ng panawagang review sa tarrif incentives bunsod ng human rights issues sa Pilipinas.
Kung maaalala, hinamon pa ng Palasyo ang mga opisyal ng European Union na ituloy ang banta nitong pagbasura sa Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+) status.
“Tingin ko, maling reaksyon iyon, kasi ang dapat na reaksyon, sabihin mo na—ipakita mo na sinusundan natin iyong ating commitments,” sa kanyang weekly radio program.
“Kasi para sa akin, karapatan iyon ng EU kasi privilege iyon, eh. Wala silang obligasyon na ibigay sa atin iyon. Pero binigyan tayo, bilang privilege, dahil mayroon tayong commitment na mga susundin.”
Ayon kay Robredo, mas mabuting patunayan ng administrasyon na wala itong nilabag sa pangako sa EU dahil pribilehiyo ang GSP+ status.
Kung tutuusin aniya, dumaan naman sa proseso ang hakbang ng European Parliament at marahil na nagbigay ito ng mga babala bago inaprubahan ang resolusyon.
“At iyong commitment na susundin natin, iyong pagsisiguro na iyong human rights, iyong freedom of the press, iyong hindi pag-persecute ng mga political opponents, kabahagi iyon noong mga pinirmahan natin.”
“So papaano natin sasalungatin? I-prove natin na hindi iyon—na committed pa rin tayo. Pero hindi iyong sasabihin mo na, ‘eh ‘di tanggalan!’ Kasi kapag sinabi mong ‘eh ‘di tanggalan!’, sa panahon na ang daming nawalan ng trabaho sa atin, dadagdagan mo pa, about 200,000 jobs iyon.”
May 626 EU members ang bumoto pabor sa naturang resolusyon; pito ang kontra, at 52 ang nag-abstain.
Makailang beses nang inatake ni Duterte ang EU dahil sa mga kritisismo ng unyon sa kampanya ng administrasyon kontra iligal na droga.