-- Advertisements --

MANILA – Naniniwala si Vice President Leni Robredo na kasabayan na rin sana ng mga kapitbahay na bansa ang Pilipinas sa pagbabakuna laban sa COVID-19 kung naging tapat lang mga nakatalagang opisyal ng pamahalaan.

“Ang problema, Ka Ely, maraming hindi naging transparent. In fact, kinailangan pang magkaroon ng Senate hearing—ang alam ko, sa House of Representatives magkakaroon din ng hearing—kasi maraming hindi klaro,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Pahayag ito ng bise presidente sa gitna ng nag-uumpisa ng vaccine rollout ng ilang Southeast Asian countries, tulad ng Singapore, Indonesia, at Thailand.

Ayon kay Robredo, ang kawalan ng transparency o pagiging tapat ng ilang opisyal din ang dahilan kung bakit marami pa rin ang hindi nagtitiwala sa bakuna.

Sa isang Pulse Asia survey, lumabas na 50% lang ng mga Pilipino ang hindi interesadong magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Hindi raw ito sapat, lalo na kung target ng gobyerno na maabot ang “herd immunity” ngayong taon.

“Ito sana iyong magiging dahilan para mas mapabilis na mabuksan talaga nang tunay iyong ating ekonomiya. Kasi, Ka Ely, kahit anong effort ng economic team, ng Department of Tourism, kahit anong effort na buksan iyong ekonomiya, kapag iyong pangamba sa transmission, pangamba tungkol sa bakuna, hindi maayos, hindi tayo makakabalik sa normal at a sooner time.”

Binanggit din ni Robredo ang tila hindi na bumabang “reproduction number” o R-Naught ng COVID-19 sa bansa.

Kung saan nanatili sa higit 1 ang estado mula Disyembre.

“Ang gustong sabihin kapag nag-over 1 siya, tumataas na naman iyong transmission. So ito iyong mga bagay, Ka Ely, na dapat binabantayan eh. Kasi kapag napababa natin nang sunod-sunod, iyong tao mas magiging confident na parang iyong journey back to normal. Pero hanggang paganoon-ganoon pa, parang nagsi-seesaw pa, marami pa iyong takot.”