Aabot sa P4.58 million halaga ng relief assistance ang ibinigay ng anti-poverty program Angat Buhay ni Vice President Leni Robredo sa mga coastal communities sa Bicol na apektado ng Bagyong Tisoy.
Kahapon ilang mga barangya sa Albay at Sorsogon ang binisita ng Bise Presidente para masilip ang kalagayan ng mga biktima ng bagyo at para na rin bigyan ang mga ito ng karampatang tulong mula sa mga partner organizations ng Angat Buhay.
Nabatid na sa Barangay Pantao sa Libon at Barangay Marigodon naman sa Pio Duran sa Albay aabot sa 259 pamilya ang nawalan ng bahay.
Sa pagbisita ni Robredo ay nabigyan ang mga ito ng kabuuang 558 sako ng bigas at cash assistance na hindi na sinabi pa ng kampo ng Bise Presidente kung magkano.
Ang Latter-day Saints Charities Philippines Inc na ka-partner din ng Angat Buhay ay nag-donate ng 1,352 hygiene kits para sa dalawang barangay.
Samantala, aabot naman sa 115 sako ng bigas at financial assistance ang ibinigay ng Bise Presidente sa Barangay Cavit, Manito.
Tumanggap din ang mga residente rito ng 164 hygiene kits mula sa Latter-day Charities.
Sunod namang pumunta si Robredo sa Sorsogon para mag-abot din ng tulong doon.