-- Advertisements --

Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang pansamantalang pagpapatigil ng Philippine Red Cross (PRC) sa COVID-19 tests na binabayaran ng PhilHealth dahil sa sinasabing utang ng state health insurer.

Ayon sa pangalawang pangulo, posibleng sumunod ang ilan pang institusyon sa hakbang ng PRC, kung pati sila ay hindi rin nababayaran sa mga isinasagawang serbisyo tulad ng coronavirus test.

“Ngayon nagte-test pa din sila, pero sobrang baba. Kaya ang iniisip ko nga, Ka Ely, baka hindi tuloy reflective iyong nire-report na number of positive cases. Baka mababa ngayon, kasi ngayon 1,000-plus, 2,000-plus. Baka mababa dahil mababa din iyong tests na kino-conduct. Sana hindi ganoon,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

“Sana mababa iyong reports dahil bumaba na talaga iyong transmission. Pero ang baba ng nire-report ngayon ng Red Cross. Dati kasi, Ka Ely, isa sila sa pinakamaraming tine-test.”

Dagdag pa ng bise presidente, hindi patas para sa mga overseas Filipino workers (OFW) na maipit sa sitwasyon ng dalawang institusyon.

Kinuwestyon din ni Robredo ang magkakaibang presyo na singil ng mga laboratoryo sa COVID-19 test.

“Iba-ibang testing centers, iba-iba iyong cost. Iba-iba iyong cost ng RT-PCR. Halimbawa kami, Ka Ely, karamihan sa mga nagpa-positive sa amin, kung hindi ako nagkakamali, NKTI—parang 1,000-plus, 1,000-plus [pesos] iyong cost ng test. Pero iba-iba. Mayroon talagang mga sobrang mahal, mayroong mga—alam mo iyon? Hindi ko alam kung bakit ganoon eh. Sa brand ba? Sa brand ba iyong dahilan? Pero iba-iba.”

Ayon sa Department of Health (DOH), may ilang government at private laboratories na silang kausap para sumalo sa tests na ginagawa noon ng Red Cross para sa PRC.

Nagpasa na rin daw sila ng rekomendasyon sa Office of the President para maglabas ng direktiba ukol sa tamang presyo ng COVID-19 tests.

Nitong Biyernes nang inanunsyo ng state-health insurer na magbabayad na sila ng utang sa PRC matapos sabihin ng Department of Justice na hindi sakop ng Procurement Law ang kasunduan ng dalawang tanggapan.

Ipinaalala ni Robredo na bukod sa kasalukuyang issue ng PhilHealth, ay huwag makalimutan ng publiko ang atraso ng ahensya sa sinasabing ninakaw na P15-billion fund ng opisina.

“Nakakalimutan na naman iyong 15 billion [pesos] na nawawala. Pero ito iyong dahilan kung bakit hindi natin dapat kalimutan. Iyong dahilan: Kasi maraming hindi nate-test dahil maraming utang iyong PhilHealth.”