Nanawagan si Vice Preisident Leni Robredo sa pamahalaan na ikonsidera ang pagbibigay muli ng ayuda sa mga pamilyang pinaka-apektado ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Kabilang sa inilatag na bagong rekomendasyon ni Robredo sa gobyerno ang pagbibigay ng P5,000 tulong pinansyal kada buwan sa 10-milyong pinaka-mahirap na pamilya.
“Mayroon nang Listahanan ang DSWD para matukoy sila… aabutin ito ng 200 billion pesos. Maliit na halaga ito para mailigtas sila mula sa gutom. Dalawang beses nang nakapagbigay ng ayudang pinansyal ang pambansang pamahalaan. Sang-ayon ang maraming eksperto na dapat pang maglaan ng dagdag na pondo para mai-extend ito.”
Iminungkahi rin ng pangalawang pangulo ang pagkakaroon ng cash-for-work programs para sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Maaari daw hugutin ng pamahalaan ang mga bibigyan ng trabaho mula sa Listahan ng DSWD.
Bukod dito, inirekomenda ni Robredo ang pagbuo ng sistema para sa unemployment insurance.
“Maaaring i-hire ang marami sa kanila, through the LGU, para makatulong sa contact tracing. Kung magagawa ito, tataas ang kapasidad natin for contact tracing at maaampat ang pagkalat ng COVID-19.”
“Magbigay ng kahit bahagi lang ng pasahod sa mga newly unemployed, at magsagawa ng counseling, retraining, at job matching para sa kanila.”
Hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang Social Welfare department sa pamamahagi ng ikalawang tranche ng Social Amelioration Program na may deadline na August 15.