-- Advertisements --

Tiniyak ni Vice President Leni Robredo na nasusunod ng tama ng kanyang tanggapan ang protocols ng mga local government units, sa ilalim ng programa niyang naghahatid pauwi sa mga locally stranded individuals (LSIs) dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay VP Leni aabot na sa 1,700 LSIs ang napauwi ng programa, sa pakikipagtulungan ng ilang partner na bus companies LGUs.

“Ang haba pa ng listahan natin. Pero hindi natin pinapasakay hanggang hindi maayos iyong medical clearance. Iyong medical clearance iyong galing sa… kung saan siya galing dito at saka hindi natin pinapaalis kung walang programa iyong receiving LGU.”

Binigyang diin ng bise presidente ang kahalagahan nang tugon mula sa receiving LGUs, dahil sa limitado ring pasilidad ng mga ito para sa mga LSIs na kailangan i-quarantine.

“Hindi kami, nagpapadala nang walang coordination sa LGU kasi ito iyong delikado. Ito iyong delikado. Kung basta ka lang magpapadala, pagdating doon—either hindi mamo-monitor ng LGU or hindi handa iyong LGU para tanggapin sila kasi bawat LGU mayroon din silang procedure na sarili.”

Kung maaalala, ilang local government officials ang umalma dahil wala umanong maayos na koordinasyon sa LGUs ang Balik Probinsya program ng pamahalaan.

Payo ni VP Leni dapat paghandaan at pagplanuhan ang mga ganitong sitwasyon.

“Kasi iyong pinaka-mahirap, na magkaroon ng bagong contamination doon sa lugar na pupuntahan. So tayo, istriktong istrikto tayo doon. Ngayon, ang haba ng waitlist. Ang haba ng waitlist na hindi natin agad-agad mapapasakay kasi iyon nga, iyong mga LGUs na kausap natin, pa-minsan—most of the time—humihingi ng oras. Humihingi ng lead time para mahanda nila.”

Ilang mambabatas na mula sa Visayas ang nanawagan sa Palasyo na silipin muli ang Balik Probinsya program dahil ilang indibidwal ang nag-positibo sa COVID-19 matapos makabalik sa kani-kanilang mga lugar.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque pina-plantsa na ng pamahalaan ang polisiya para sa mga LSIs dahil ang kasalukuyang protocols ay para lang sa mga umuwing OFWs.