-- Advertisements --

Kinilala ni Vice President Leni Robredo ang kontribusyon ng LGBTQIA+ community sa bansa, kasabay ng pagbati sa ipinagdiriwang na Pride Month ngayong taon.

Sa kanyang statement, kinilala rin ng bise presidente ang matagal nang pakikipaglaban ng komunidad para sa pantay na karapatan at representasyon, na isa umano sa hindi nagbago kahit nasa gitna ng alinlangan at walang kasiguraduhan dulot ng pandemic.

“It has provided a shelter to the oppressed, a voice to the marginalized, and a family to those who have been abandoned by their own communities.”

Ayon kay VP Leni, malaki ang papel na ginagampanan ng mga programa, adbokasiya at kampanya ng LGBTQIA+ community para sa magkaroon ng bukas na kaisipan ng mas nakararami.

“At sa bawat pagpiglas ninyo sa tangkang pag-agaw ng ating mga kalayaan, isang bayan ang mas natututong lumaban. Totoo ito: kasama ang tapang at dedikasyon ninyo sa pinaghuhugutan ng inspirasyon at lakas ng buong bansa ngayon.”

Nagpahayag din ito ng suporta sa mga patuloy na nakikibaka kahit nasa gitna ng krisis na dulot ng pandemya.

“Nauunawaan ko ito, pero huwag sana kayong panghinaan ng loob. Ang sa akin nga, ‘di ba ngayon ang pinakamainam na panahon para magkapit-bisig, humugot ng lakas sa isa’t-isa, at itulak ang pagbabago na matagal na nating ipinaglalaban?”

Sa kabila nito, batid ng pangalawang pangulo na marami pang kulang at dapat na asikasuhin para sa proteksyon ng mga LGBTQIA+, tulad ng pagpasa sa SOGIE Bill.

Kaya naman nanawagan si VP Leni sa mga nasa posisyon na kumilos at gumawa ng paraan para sa mga isinusulong na reporma.

“Now more than ever, we need to set an example to the younger generation. Ipakita natin sa kanila, na wala silang dapat ipangamba at na malaya silang maging kung ano at sino sila.”

Hinimok din nito ang komunidad na maghanda para sa mas mahaba pang laban pagkatapos ng pandemya.

“Makilahok, makiisa at huwag magsawang rumampa. Magsimula sa mga maliliit ngunit kongkretong hakbang. Tulungan ang kayang tulungan, mag-reach out sa mga kaibigan, bumuo ng support groups, paliwanagan ang mga tito, tita, at mga magulang.”

“Darating din ang araw na babalikan natin ang lahat ng ito at sasabihing, everything was worth the effort. Everything was worth the sacrifice. Everything was worth the fight.”