-- Advertisements --

MANILA – Umapela si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na luwagan na ang proseso ng pagbili ng private sector ng COVID-19 vaccines.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna ng inaasahan nang pagdating ngayong buwan ng unang batch ng mga bakuna mula sa COVAX Facility.

“Dapat siguro i-liberalize ito. Ako, okay naman iyong may required na donation pero para sa akin, huwag nang pahirapan iyong mga negosyo na gustong mag-purchase ng vaccine kasi para sa akin, Ka Ely, the more na may vaccine, nakakatulong sa atin lahat, eh,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

“Mas mabilis natin maaabot iyong herd immunity.”

Tatlong tripartite agreement na ang nilagdaan ng private sector, kasama ang pamahalaan at British pharmaceutical company na AstraZeneca mula noong Disyembre 2020.

Una nang nilinaw ng mga opisyal na kailangang dumaan sa national government ang mga binibiling bakuna dahil hindi pa sila itinuturing na rehistradong medical product.

Pero ayon kay Robredo, kung luluwagan ng gobyerno ang pag-aangkat ng private sector sa mga bakuna ay mas malaki ang tsansa na mabilis maabot ng bansa ang “herd immunity” sa sakit.

Bukod dito, mabibigyan din daw ng maagang vaccination ng angkop na panahon ang logistics at post-vaccination monitoring.

“Nakakatakot ito kasi the longer it would take, apektado iyong negosyo, ekonomiya, iyong pag-aaral ng mga bata, apektado iyong trabaho. So sa akin, Ka Ely, the more people na puwedeng tumulong, itong mga private companies huwag nang pahirapan. Siguro maayos lang iyong protocols, maayos iyong regulation, pero huwag na silang pahirapan… sana hindi masyadong centralized.”

Sa pagdinig ng Senado noong Enero, sinabi ni Food and Drug Administration director general Eric Domingo na emergency use authorization pa lang ang ginagawad sa mga bakuna, at patuloy pa silang pinag-aaralan.

Ipinaalala naman ni VP Leni ang kahalagahan ng pagbabalik ng kumpiyansa ng publiko sa bakuna dahil sa mababa pa ring porsyente ng mga nagdaang survey.

“Mababang-mababa pa rin iyong confidence level ng tao sa vaccines. Tingin ko, Ka Ely, nagkukulang tayo. Nagkukulang tayo sa pag-communicate. Dapat sana, dapat sana parang maging aggressive iyong information campaign.”

“Saka dapat, Ka Ely, health experts iyong pinapakinggan para (sila) iyong nag-aassure para kampante iyong tao. Iyong mga doktor, iyong mga nakakaintindi, dapat sila iyong naririnig. Hindi tayo, kasi tayo hindi naman tayo mga health experts. Pero iyong mga pinapakinggan, sila dapat iyong hikayatin na to go out in public para i-assure iyong tao na safe ito.”