Umaasa si Vice President Leni Robredo na maglalabas ng detalyadong report si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa naging hakbang ng bansa laban sa COVID-19, kasabay nang “expiration” ng ipinasang Bayanihan to Heal as One Act.
Nakukulangan daw kasi ang pangalawang pangulo sa inahatid na impormasyon ng presidente sa mga nakalipas nitong ulat sa bayan.
“Ako, iyong number one, where are we in our targets?,” ani Robredo sa isang interview.
“Number two, papaano—how did we spend? How did we spend the special funds that were given to the national government? Kasi iyong interesting diyan, how much was allocated for, sabihin natin, mass testing, for test kits. How much was allocated for contact tracing?”
Hindi rin umano kumpleto ang mga impormasyon online tungkol sa kung paano ginastos ng gobyerno ang inilaang budget para sa Bayanihan Act.
“I cannot comment on how well the funds have been spent because I do not have enough data with me. Ang alam ko lang iyong mga targets na hindi pa nami-meet.”
Noong March 24 nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Bayanihan Act na nagdeklara ng state of national emergency sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Binigyan din ng batas ng special powers ang chief executive sa ilang antas, tulad nang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang apektado ng lockdown at naulila ng mga namatay na COVID-19 health frontliners.
Hanggang ngayon nakabinbin pa sa Kongreso ang ikalawang Bayanihan bill, na hindi sinertipakahang urgent ng presidente.










