-- Advertisements --

Nilinaw ni Vice Pres. Leni Robredo na hindi na kailangan ng formal letter para humingi ng tulong sa kanyang tanggapan ang mga nangangailangan ng personal protective equipment (PPE) kontra COVID-19.

Ayon kay VP Leni, maaaring magpadala ng mensahe ang mga ospital o health facilities sa kanilang official Facebook page o kaya ay mag-contact sa kanilang naka-post na numero.

“Ang kailangan lang talaga namin; pangalan ng ospital, contact number doon, at saka iyong contact person. Dine-diretso namin ito, sa mga ospital, sa mga health center. Hindi namin dine-diretso sa mga organizations na nagre-request.”

“Puwede naman mag-request sa amin iyong organization pero parati naming pinapa-receive sa ospital kasi iyon iyong mas madali na… iyon iyong mas madali na pag-audit kasi parati naming—ito, parati naming kailangang i-report dahil hindi namin sarili iyong pondo.”

Handa raw ang tanggapan ng bise presidente at private partner nito na i-deliver sa ospital ang PPEs na kakailanganin.

Hindi naman daw limitado lang sa healthcare workers ang ipinapamahagi ng protective equipment ng programa, dahil pati mga frontliner sa checkpoints ay maaari raw magpa-request.

“Tapos iyong ibang mga ano, iyong ibang mga frontliners din, halimbawa mga uniformed men na nagma-man ng mga checkpoints. Mayroon nga, mga grupo ng mga drivers na nagpi-free shuttle ngayon.”

“Kailangan may protective gear din. Pero ang binibigay namin, na material, depende sa gamit. Kapag mga health workers na pumapasok sa COVID-19 ward, sinisiguro namin na iyong ano talaga, iyong material na-approve ng doktor.”