Hinimok ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga Pilipino na gunitain ang sakripisyo ang kadakilaan ng mga nagbuwis ng buhay kasabay ng ika-47 taong paggunita sa deklarasyon ng martial law.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Robredo na hindi nasusukat sa bilang ng mga biktima ang iniwang alala ng batas military, kundi sa kwento ng bawat isa na lumaban para muling makamit ang demokrasya.
“Paano nga ba tayo humantong sa puntong ito ng ating kasaysayan? Sa ating pagbabalik-tanaw, huwag sana nating kalimutan na hindi lang mga numero ang ating pinag-uusapan, kundi kuwento ng mga karaniwang tao na tulad natin—mga magulang, anak, kapatid—mga kapwa natin Pilipino na naging biktima ng isang malupit at mapang-abusong rehimen.”
“Ang iba sa kanila, mga bayaning nagpasyang tumindig sa kamay na bakal, kahit na buhay pa nila ang kapalit. Ang iba, ordinaryong mamamayan na nagsikap lamang manahimik at mabuhay nang payapa sa gitna ng pang-aapi ng diktadurya, ngunit naging biktima pa rin ng mga kampon ng isang administrasyong lasing sa kapangyarihan.”
Nagpasaring naman ang bise sa pamilya Marcos dahil sa tila pagbabalik umano ng mga ito sa panunugkulan.
Kung maaalala, nakabinbin pa ang desisyon ng Presidential Electoral Tribunal sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Robredo.
Samantalang, naluklok sa katatapos lang na midterm elections si Sen. Imee Marcos.
“Ngayong araw, matapos ang higit apat na dekada, nahaharap tayo sa isang panibagong hamon: ang mga taong yumurak sa ating mga karapatan, tinapakan ang ating kalayaan, at nagnakaw sa kaban ng bayan ay nagbabalik sa kapangyarihan. Pinipilit nilang baluktotin ang katotohanan nang walang kahit anong bahid ng hiya at pagsisisi, para sa pansarili nilang kapakanan.”
Para sa pangalawang pangulo, mahalaga ang pagkakaisa sa gitna ng hidwaan ng mga iba’t-ibang kulay sa pulitika.
Nanawagan din ito sa bawat isa na maging mapagpatyag at siguruhin na hindi na mauulit ang bangungot na iniwan ng bansa sa kamay ng diktadurya.
”Ngunit tandaan natin na ang ating laban ay hindi lang laban sa isang pamilya o isang pangalan. Ang labang ito ay laban sa pagkalimot, pananahimik, at pagkikibit-balikat. Kailanman ay hindi ito tunggalian ng dilaw at pula, at magkakaibang pulitika; laban ito ng bawat Pilipinong naniniwala sa demokrasya; laban ito sa kahit kaninong maglalakas-loob na abusuhin at lapastanganin ang mga taong nagluklok sa kanila sa kanilang kinalalagyan.”
“May magtangka mang ulitin ang madilim na yugtong ito ng ating kasaysayan, sama-sama tayong titindig nang taas-noo at sasabihin: Hindi natin hahayaang umiral muli ang kadiliman sa ating bayan. Hindi dito, hindi ngayon, at hindi kailanman.”
Taong 1972 nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law sa ilalim ng Proclamation No. 1081.