-- Advertisements --

Makabuluhan ang mensahe ni Vice Pres. Leni Robredo sa pagdiriwang ng 34th anniversary ng EDSA People Power revolution, na gumunita sa pagkakaisa ng taong bayan para mabawi ang demokrasya mula sa diktadorya.

Ayon kay Robredo, malaki ang naging papel ng pagmamahal sa bansa ng bawat isa kaya nagtagumpay ang pagtitipon noon sa makasaysayang EDSA shrine.

Pati na rin ang hiwalay na mga pagkilos sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

“Naroon po ako, kasama ang milyun-milyon pang nagtipon upang igiit ang dignidad ng bawat Pilipino. Halu-halong damdamin ang nagdala sa amin doon: Pagkadismaya sa nangyayari sa lipunan; galit sa pang-aabuso ng rehimeng Marcos.”

“Higit pa rito, naroon din ang pag-asa—na kung magkakaisa tayo, kung magiging handa tayong magsakripisyo at unahin ang kapwa kaysa sarili, sasapat ang pinagsanib nating lakas para magdala ng kongkretong pagbabago.”

“Pag-ibig ang nagbuklod sa sambayanan noon: Pag-ibig para sa bansa, para sa isa’t isa, para sa ating mga kahanay na lumaban para sa tama. Para rin ito sa susunod na salinlahi ng Pilipino, na harinawa’y hindi na nila kakailanganing danasin ang lupit ng diktadurya.

Nagpasaring naman ang bise presidente sa aniya’y mga nagtatangka ngayon na bawiin ang nabawing demokrasya.

Iginiit ng pangalawang pangulo na tapat na pamahalaan ang tanging hiling ng rebolusyon at hindi perpektong opisyal na kokontrol sa taong bayan.

“Ang hinangad natin: Mabuhay nang may dignidad. Isang gobyernong hindi magsisinungaling, hindi magnanakaw, at hindi tayo aapihin. Hindi tayo papatayin. Sa madaling salita: Isang gobyernong gagawin ang sinumpaan niyang tungkulin.”

“Ngayon, may mga nagtatangkang burahin ang alaala ng EDSA para sa pansarili nilang agenda. Tatlumpu’t apat na taon pa lang ang nakakalipas: kasama pa natin ngayon ang marami sa nagtipon noon—silang mga sumubaybay sa balita habang nagaganap ang rebolusyon, at malamang ay nakadanas din ng pagmamalupit ng diktadurya.”

“Utang natin sa kanilang huwag bigyang-puwang ang mga kasinungalingan. Ipakuwento natin sa kanila ang kanilang mga nasaksihan. Itanong natin sa kanila kung paano sila nakahanap ng tapang na humarap sa mga tangke, sa baril at bayoneta, sa mga eroplanong umuugong sa kalangitan, na sa isang iglap ay puwedeng magpaulan ng bomba sa mga nagtipon.”

Sa kabila ng mga pagsubok ng kasalukuyang sitwasyon sa bansa, naniniwala ang pangalawang pangulo na buhay pa rin sa diwa ng bawat isa ang pagkakaisang itinuro ng EDSA People Power para labanan ang mga kamalian.

“Sa harap ng mga kuwentong ito, tiyak ko: mas titibay ang ating paninindigan. Buo pa rin ang aking paniniwala: mas malakas ang mga bagay na nagbibigkis sa atin, kaysa sa mga pagkakaiba o hidwaang pilit tayong pinagwawatak. Magsilbi nawang babala ang EDSA sa sinuman ang muling magtatangkang ikuyom tayo sa loob ng kamaong bakal: Hindi sila magtatagumpay.”

“Pag-aari ng bawat Pilipino ang EDSA. Buhay ang diwa nito: Lahat tayo ay humaharap sa mga hamon, at lahat tayo, may angking lakas upang daigin ito. Hindi tayo nag-iisa. Wala sa ating nag-iisa.”