Pinabulaanan ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang kumakalat na report onlne tungkol sa panis umanong mga pagkain na ipinamahagi ng tanggapan nito sa ilang frontliners.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine ay wala pa siyang ospital na binisita.
Batay kasi sa kumakalat na online posts, sinasabing sumugod si Gutierrez sa Diliman Doctors Hospital para patahimikin ang mga staff nito bunsod ng panis umanong pagkain na ipinamahagi ng Office of the Vice President sa kanilang mga health workers.
Nag-alok din umano ng perang donasyon ang tagapagsalita kapalit ng insidente, gayundin na tumangging makipagkita ang presidente ng ospital nang bumisita doon si VP Leni.
Sa kanyang Twitter post, nagbanta si Gutierrez sa mga nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa probisyon ng Cyberlibel law.
“12 years na limit sa cyberlibel, kaya abangan lang nyo mga sinungaling kayo.”
May nagkakalat ng kasinungalingan na nagpunta daw akong ospital, at nagpatahimik ng mga frontliners na may reklamo daw sa OVP. 2 bagay lang: 1) Mula nagka-ECQ wala pa akong ospital na pinupuntahan; at 2) 12 years na limit sa cyberlibel, kaya abangan lang nyo mga sinungaling kayo.
— Barry Gutierrez (@barrygutierrez3) June 22, 2020
Nanawagan naman sa publiko si Robredo sa hiwalay na online post, para i-report ang mga account na nagpapakalat ng “fake news.”
Hinimok din nito ang mga netizen na kumuha na ng screenshot o larawan ng mga posts para mapanagot ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng ulat.
Nilinaw ni VP Leni na wala namang natanggap na reklamo ang kanilang mga partner sa programa, hinggil sa ipinamahaging pagkain.
“This has never happened. I never went to this hospital. My spokesperson, Atty Barry Gutierrez said he has never visited any hospital during the entire duration of the ECQ/GCQ nor ever called this particular hospital.”
“We will likewise go after those who posted on twitter. Please help us gather all evidences, including screenshots of those who retweeted. We will no longer tolerate any of these.”